MANILA, Philippines - Nabasag ang bungo ng isang construction worker nang mahulog ito mula sa bubungan ng pinagtratrabahuan nitong pabrika kamakalawa sa Valenzuela City.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Rowie Marina Castillo, 22-anyos, residente ng F. Dulalia St., Barangay Lingunan ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon ng Station Investigation Division (SID) ng Valenzuela City Police, naganap ang insidente dakong alas-3:15 ng hapon sa Great Asia Industrial Corporation na matatagpuan sa # 29 Gregorio St., ng nabanggit na barangay.
Kasalukuyang kinukumpuni ng biktima ang bubong ng kanyang pinagtatrabahuhang kumpanya nang maapakan nito ang malambot na bahagi.
Dahilan upang magtuluy-tuloy sa pagkahulog ang biktima at tumama ang ulo nito sa mga bakal, na nagresulta ng pagkabasag ng bungo nito at agarang kamatayan.