Mag-aama tiklo sa kasong murder
MANILA, Philippines - Inaresto ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang isang 58-anyos na tricycle driver at dalawang anak nito kaugnay ng pagpatay may 3 taon na ang nakalipas sa isa ring tricycle driver sa magkakahiwalay na operasyon sa Novaliches, Quezon City kamakalawa ng gabi.
Sinabi ni PNP-CIDG Director P/Chief Supt. Samuel Pagdilao Jr., ang suspect na si Teodoro Caguioa ay nadakma sa Margarita Compound sa Brgy. San Bartolome, Novaliches.
Sumunod namang nasakote ang mga anak nitong sina Albert alyas Victor, 28; tricycle driver at Marlon, 23, isang welder sa Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches.
Ayon kay Pagdilao ang mag-aamang Caguioa ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Wilfredo Nieves ng Malolos City Regional Trial Court Branch 84.
Sinabi naman ni CIDG-District Special Operations Division P/Senior Supt. Albert Ignatius Ferro na ang mag-aamang Caguioa ang itinuturong pangunahing suspect sa pagpatay kay Albert Suarez alyas Ambet ng Brgy. Minuyan Proper, San Jose del Monte City, Bulacan.
Magugunita na noong Mayo 18, 2008, pawang armado ng pistola at itak ay pinagbabaril ng mga suspek at pinagtataga si Suarez na ikinasugat rin ng kapatid ng biktima na si Maribeth.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon na nag-ugat ang krimen matapos na makasagutan ng biktima ang tomboy na anak ni Teodoro na kinilalang si Princess na nauwi sa madugong insidente.
Napilitan namang dumulog sa PNP-CIDG ang pamilya ni Suarez sa tulong ng TV5 news sa paghahanap ng hustisya sa naganap na krimen may ilang taon na ang nakalilipas na nagresulta sa pagkakaaresto sa mag-aama.
- Latest
- Trending