Polish na miyembro ng WADS timbog

MANILA, Philippines - Natimbog sa isinagawang entrapment ope­ration ng mga ahente ng Na­tional Bureau of Inves­tigation (NBI) ang isang Polish na pinaniniwalaang miyembro ng West African Drug Syndicate (WADS) sa Ermita, Maynila, Sabado ng madaling-araw.

Kinilala ni NBI Reaction, Arrest and Interdiction Division (RAID) chief, Atty. Ross Jonathan Galicia ang naarestong suspect na si Barbara Ziontowska.

Ang pagkakadakip kay Ziontowska ay kasunod ng ilang araw na surveillance matapos maaresto ang In­donesian national drug courier na si Media Aprideri noong Mayo 19, 2011, na may dala sa bagahe nito ng tinatayang P17-M halaga ng 3.26 kilos ng high grade shabu sa NAIA.

Paliwanag ni Galicia, si Aprideri ang dapat na ka­tagpo ni Ziontowska sa Pilipinas, na gamit na transit points ng ibinibiyaheng iligal na droga ng mga courier ng WADS.

“Kung hindi nahuli si Aprideri at Ziontowska, na­dala na yung suitcase at drugs at contents nito sa Malaysia. May naghihintay sa kanya dun sa Kuala Lumpur na isa pang courier din,” ani Galicia.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Section 5 ar­­ticle II ng Republic Act 9165 si Ziontowska.

Samantala, naniniwala si Galicia na posibleng iti­nigil muna ng WADS ang pagre-recruit ng mga Pinoy na mules dahil ang mga nahuhuli nilang courier ay ibang nationality at maaaring ang operasyon ay inilipat sa ibang bansa na hindi masyadong mainit ang isyu laban sa WADS.

Show comments