Napabayaang kalan: 5 bahay tupok
MANILA, Philippines - Dahil sa napabayaang kalan na de-kuryente, limang kabahayan ang natupok makaraang sumiklab ang sunog na tumagal ng mahigit isang oras sa Pasay City kahapon ng umaga.
Nagsimulang sumiklab ang apoy sa bahay ng isang Rey Intal sa no. 2427 M. Dela Cruz St., dakong alas-6:34 ng umaga at mabilis na kumalat sa mga katabing bahay na pawang gawa lamang sa mga light materials.Wala namang iniulat na nasaktan o nasugatan sa naturang sunog na umabot sa ikatlong alarma bago tuluyang naapula dakong alas-7:45 ng umaga.
Masusi pang nagsasagawa ng pagsisiyasat si FO1 Arnel Lacasandili ng Pasay Fire Department upang maipagharap ng kaukulang kasong negligence resulting to damage to properties ang may kagagawan kung kaya’t nagkaroon ng sunog.
Sa ilalim ng inamiyendang Fire Code of the Philippines, maaari nang ipagharap ng kaso ang may-ari ng bahay na pinagmulan ng apoy kung mapapatunayang kapabayaan sa kanilang parte ang naganap na sunog na tutupok hindi lamang sa kanilang ari-arian ngunit maging sa mga katabing bahay at establisimiyento.
- Latest
- Trending