QC handa na sa school opening
Manila, Philippines - Handa na ang Quezon City sa pagsisimula ng pasukan sa susunod na Lunes (Hunyo 6).
Tiniyak ni QC Mayor Herbert Bautista sa mga magulang na ang lahat ng city department at ahensya ng lokal na pamahalaan ay nakahanda na upang matiyak na magiging maayos at walang aberya ang pagsisimula ng klase ng mga estudyante.
Sa ngayon, aabot na sa 60 hanggang 70 percent ang renovation work ng mga silid-aralan ng mga kindergarten para sa bagong school year sa inaasahang 30,000 batang mag-aaral na nag-enroll para sa pre-school program sa nabanggit na lungsod.
Aabot sa 33 elementary school ang na-identify ng division of city schools bilang priority areas na kailangang ma-repair at maisaayos ang klasrum ng kindergarten.
Karamihan sa mga priority school ay nasa District II kasama na ang GSIS Village Elementary School, New Era Elementary School, L.R. Pascual Elementary School, Doña Rosario Elementary School, Rosa Susano Elementary School, President Corazon Aquino Elementary School, Sen. Benigno Aquino Elementary School, Doña Juana Elementary School, Fairview Elementary School, Lupang Pangako Elementary School, Manuel L. Quezon Elementary School, Payatas C Elementary School, Damong Maliit Elementary School, Pasong Tamo Elementary School at Commonwealth Elementary School.
Naglaan ang QC government ng P40 milyon para sa operasyon ng mga kinder klasrum kasama na ang paglalagay ng palikuran, karagdagang mga guro, pambili ng mga instructional material at school furniture.
Samantala, nakumpleto na rin ng QC government ang 3 dagdag na school buildings para sa mas dumaraming mag-aaral sa Old Balara Elementary School-Villa Beatriz, Bagong Pag-asa Elementary School at sa National Orthopedic Hospital School for the Crippled Children.
- Latest
- Trending