MRT at LRT nagka-aberya uli
Manila, Philippines - Tumirik na naman ang isang tren ng Metro Rail Transit (MRT) makaraan umanong humina ang boltahe ng kuryente sa Quezon City habang natigil naman ang operasyon ng LRT Line 1 dahil sa isang sunog na naganap sa Sta Cruz, Maynila kahapon ng umaga.
Ayon kay Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRTA, umabot sa sampung minuto ang pagkakatigil ng operasyon ng MRT nang tumigil ang isang tren sa Soutbound line ng Cubao Station.
“Under voltage ng supply ng kuryente ang dahilan ng pagkakatigil ng operation ng MRT” ani Cabrera.
Natigil naman ang operasyon ng LRT Line 1 bunsod ng malaking sunog na naganap sa kanto ng Bulacan at Rizal Avenue, Sta Cruz, Maynila.
Sinabi ni Cabrera, malapit sa riles ng LRT ang sunog at dahil sa malakas na apoy at makapal na usok kung kaya nagdesisyon sila na suspendehin ang operasyon ganap na alas-9:05 ng umaga upang maiwasan ang posibleng pagkakaroon ng aksidente.
“Yung sunog ay malapit sa LRT Blumentritt station. Ito rin ay malapit sa aming rectifier station, parang transformer namin para sa power supply. Dahil magiging apektado ang tren at pasahero kaya minabuti naming itigil ang operation” ani Cabrera.
Matapos ang isang oras ay muli naman ibinalik sa normal ang operation ng buong LRT Line 1 makaraang maapula ng mga bumbero ang apoy na lumamon sa ilang kabahayan.
- Latest
- Trending