Manila, Philippines - Kapwa nasangkot sa aksidente sina Senator Chiz Escudero at ang aktor na si Matt Evans sa magkahiwalay na lugar sa lungsod Quezon.
Bahagyang nasugatan si Senator Escudero nang makabanggaan ng kanyang sinasakyang Lexus ang isang Kia van na sakay ang anim katao sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Traffic Sector 4 ng Quezon City Police District, si Escudero at anim pang biktima ay isinugod sa St. Lukes Medical Center matapos na magtamo ng minor injuries bunga ng banggaan.
Kinilala ang iba pang sugatan na sina Manuel Merillles, 36, driver ng Kia van (XRD-450) at mga sakay na sina Ronil Domingo, 49, Emy Domingo, 49, Ruth Domingo, 20, Narciso Castro Jr, 62 at Lourdes Oladives, 60.
Batay sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa may panulukan ng Don A. Egea at Maryland St., Brgy. Pinagkaisahan, Cubao ganap na alas-9:30 ng gabi.
Bago ito, minamaneho ng senador ang kanyang Lexus (ZNY-450) at tinatahak ang kahabaan ng Don A. Egea St., galing E. Rodriguez Sr. Boulevard patungong New Orleans St.
Habang ang Kia van na minamaneho ni Merilles naman ay tinatahak ang Mayland St., galing New York St., tungo sa E. Garcia St. kung saan pagsapit sa Don A. Egea sa nasabing lugar ay biglang nagbanggaan ang mga ito.
Ayon sa isang staff ni Escudero hindi naman umano nagtamo ng anumang sugat ang senador at nagawa pa silang tawagan para tulu ngan ang mga pasahero at driver ng nakabanggaang sa sakyan.
Nagkaroon naman ng pag-aayos ang magkabilang panig sa nasabing insidente, ayon pa sa awtoridad.
Samantala, masuwerteng naligtasan ng aktor na si Evans si kamatayan matapos na sumalpok ang sasakyan nito sa isang poste ng Meralco at isang pampasaherong bus sa lungsod kahapon ng madaling-araw.
Si Evans na naging bida sa teleserye ng ABS-CBN channel 2 na Pedro Penduko ay mabilis na nakalabas sa kanyang minamanehong Toyota Innova (ZJF-143) sa kabila ng pagkawasak ng unahang bahagi nito.
Ayon sa inisyal na ulat ng Traffic Sector 3 ng QCPD, nangyari ang aksidente malapit sa harap ng Police Station 8 sa may P. Tuazon Avenue, Brgy. Milagrosa, Project 4 sa lungsod, ganap na alas-2:45 ng madaling-araw.
Sinabi ng ilang saksi, mabilis umanong tinatakbo ng kotse ni Evans ang nasabing lugar hanggang sa may iwasan itong isang lalaking tumatawid at mawalan siya ng giya hanggang sa sumalpok sa poste.
Sa lakas ng impact, matapos na tumama sa poste ay umarangkada pa ito at madamay naman ang nakaparadang pampasaherong bus dito
Sa kabila nito, mabilis na nakalabas ng kanyang kotse si Evans, kasama umano ang isang babae at sumakay sa isa pang sasakyan at umalis.
Ayon pa sa saksi, lasing at amoy alak umano si Evans at pasura-suray ng lumabas ng kanyang kotse.