Napagkamalang informer ng pulis, itinumba sa Quiapo
MANILA, Philippines - Hinihinalang pinagkamalang ‘police informer’ ang isang hindi pa kilalang lalaki na binaril sa ulo at agad na binawian ng buhay sa Islamic Area sa Quiapo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Inilarawan ang biktima sa edad na 33 hanggang 37; may taas na 5’7’’, kayumanggi, payat, naka-maong pants at t-shirt na itim na may naka-print na “Tau Gamma Taguig City Chapter”.
Wala pang makuhang testigo sa krimen upang matukoy ang responsable sa pamamaril at pagkamatay ng biktima.
Sa inisyal na ulat, naganap ang nasabing insidente dakong alas-9:30 ng gabi sa kahabaan ng Muelle dela Quinta malapit sa panulukan ng Carlos Palanca Sr. Sts., sa Quiapo.
Sinabi ng isang Amir Kasan, kagawad sa Barangay 384 Zone 39, Globo de Oro St., Quiapo, nakarinig siya ng malakas na putok ng baril sa hindi kalayuan sa tinatayuan niyang lugar.
Nang magtungo sa pinagmulan ng putok ay nakita ang isang lalaking nakabulagta sa kalye na may tama ng bala sa ulo.
Nakarekober ng basyo ng bala ng kalibre 45 baril ang mga awtoridad.
Posibleng may kinalaman umano sa talamak na iligal na droga sa lugar ang nasabing insidente at maaring pinagkamalang asset ng pulisya ang biktima. Ang labi ay inilagak sa St. Yvan Funeral Homes.
- Latest
- Trending