Ama nagreklamo sa pagkawala ng bangkay ng anak sa pagamutan
MANILA, Philippines - Nabisto ang kapabayaan ng isang ospital sa lungsod Quezon sa mga nasasawing pasyente nila, matapos na magreklamo sa himpilan ng pulisya ang isang lalaki hinggil sa pagkawala ng bangkay ng kanyang apat na taong gulang na anak na nasawi sa sakit na pneumonia kamakalawa.
Si Ronnie Fernandez, 27, ng Maginoo St., Brgy. Central ay nagtungo sa himpilan ng pulisya kahapon upang magreklamo at humingi ng tulong para mahanap ang bangkay ng kanyang anak na nawawala sa East Avenue Medical Center.
Base sa reklamo ni Fernandez, nang kunin umano niya ang bangkay ng anak sa morgue ng naturang ospital ay nawawala ito at hindi malaman kung nasaan.
Bago ito, Linggo ng alas- 12:30 ng madaling-araw ay dinala umano ni Fernandez ang anak sa EAMC para ipagamot sa umano’y sakit na pneumonia kung saan ito sinuri ng mga doktor at na-confine.
Pero, alas 11:05 ng gabi ay idineklara umanong patay ang bata saka dinala ito sa morgue ng naturang ospital.
Pasado alas-2 ng madaling-araw kahapon nang bumalik sa ospital si Fernandez para kunin ang bangkay ng anak ay laking gulat umano nito nang malamang wala na ang bata at may kumuha nang iba, sanhi upang siya’y magreklamo.
Samantala, sa pagsisiyasat ng pulisya, lumilitaw na ang bangkay ng anak ni Fernandez ay kinuha umano ng isang Marites Serat na taga-Brgy. Miduyan Proper Staging Area sa San Jose del Monte, Bulacan.
Sinasabing si Serat ay namatayan din umano ng anak na babae noong Linggo ng alas-3:45 ng madaling-araw at sa halip na ito ang maibigay sa kanya, ang bangkay ng anak ni Fernandez ang naibigay dito.
Ayon sa pulisya, sa kasalukuyan ay nagsasagawa na ng pagsasaayos ang kanilang tanggapan upang maibalik sa bawat pamilya nito ang tunay na kaanak nilang namayapa upang magkaroon ng maayos na burol at libing.
- Latest
- Trending