MANILA, Philippines - Timbog ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pinaniniwalaang courier ng West African Drug Syndicate (WADS) na kamuntik nang makalusot palabas ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nahulihan sa kanyang bagahe ng tinatayang P17 milyong halaga ng shabu, sa tulong ng sniffing dogs.
Sa ulat ng NBI-Reaction Arrest and Interdiction Division (RAID) Atty. Ross Jonathan Galicia, ang suspect na isang saleslady umano sa Indonesia ay kinilalang si Media Aprideri, 28, na nakapasok sa bansa noong Mayo 19.
Kasama ni Galicia sa isinagawang press conference si Vice President Jejomar Binay na nagprisinta kay Aprideri at sa 3 kilong high-grade shabu na nasamsam dito.
Nabatid na nabuko ang dalang shabu ng suspect nang maamoy ito ng K-9 sa luggage ng una.
Buhat umano sa source ng NBI ang impormasyon hinggil sa pagdating ng drug mule na nagmula sa Ethiopia patungong Indonesia matapos dumaan sa bansa bilang transit points ng WADS.
Hindi umano na-detect ng X-ray machines sa NAIA ang droga na nakabalot nang husto bago isinilid sa envelope na inilagay nang patago sa luggage ni Aprideri.
Sinampahan na sa Pasay City Prosecutor’s Office ng paglabag sa Section 5 Article II ng RA 9165 ang nasabing dayuhan.