Binata nagbigti sa puno ng mangga

MANILA, Philippines - Nagbigti sa sanga ng punong mangga ang isang 21-anyos na binata matapos na hindi matanggap ang kabiguan sa kanyang nobya na nakipagtanan sa ibang lalaki, kahapon ng umaga sa Marikina City.

Nakilala ang nasawi na si Ray-An Dones, katiwala sa isang junkshop at naninirahan sa Panganiban St., Brgy. Concepcion Dos, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Marikina police, dakong alas-6:30 kahapon ng umaga nang madiskubre ang nakabigting bangkay ng biktima sa ilalim ng puno ng mangga malapit sa pinapasukan nitong junkshop sa naturang barangay.       

Sa imbestigasyon, huling nakitang buhay ang biktima kamakalawa ng gabi kung saan nakipag-inuman pa ito sa mga kasamahan sa trabaho.

Nang malasing, sinabi pa umano nito na magpapakamatay na lang ito dahil sa sumama ang kanyang kasintahan sa ibang lalaki.

Binalewala naman ito ng mga kainuman ng biktima dahil sa pag-aakalang salitang lasing lamang. Ngunit na­gulat ang mga ito nang malamang tinotoo ni Dones ang pagpapakamatay nang matagpuan ang kanyang nakabigting bangkay. Maaari umanong isinagawa ng biktima ang pagbibigti nang magkanya-kanyang uwian na ang mga kainuman.

Nakatakdang isailalim naman sa otopsiya ang bangkay ng biktima upang ma­kum­pirma na sadyang nag­pa­tiwakal ito o kung may naganap na “foul play”.

Show comments