8 Taiwanese na sangkot sa cyber crime huli ng NBI
Manila, Philippines - Walong Taiwanese national ang nadakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) nang salakayin ang isang bahay na mistulang call center at pinaniniwalaang gamit sa cyber crime tulad ng credit card fraud, lottery scam at phishing scam sa Valle Verde IV, Pasig City, kamakalawa ng hapon.
Ayon kay NBI-National Capital Region (NCR) director, Atty. Constantino Joson, ang kanilang isinagawang surveillance at pagdakip sa mga nasabing dayuhan ay bunsod ng kahilingan na rin ng Taiwan Economic Cultural Office at Taiwan Police na may sindikatong sangkot sa mga cyber crime operations sa Pilipinas na ang mga binibiktima ay kanilang kababayan sa Taiwan.
Nabatid na tatlong buwan ang ginawang pagsubaybay sa mga dayuhang nakumpirma na umuupa sa isang bahay na nilagyan ng maraming computer.
Ilan sa palatandaan na may paglabag sa Access Device Regulation Act of 1998 ang mga suspect dahil sa paggamit nila ng intertwined internet cables at pagkakaroon ng malalaking phone bills kaya patuloy pa ang imbestigasyon kung sila ay positibong nasa cyber crimes tulad ng credit card fraud, lottery scam at phishing scam.
Hindi muna ibinunyag ang mga pangalan ng mga dayuhan na nasa NBI detention cell ngayon matapos makita ang mga pekeng passports at identification cards ng mga ito.
Isa lamang umano ang grupong natimbog sa sampung grupo na kanilang tinutugis hinggil sa sinasabing cyber crime operations sa bansa.
Maluwag umano ang batas sa Pilipinas kaya napipili na lamang ng mga sindikatong tulad nito, na mag-base sa bansa sa kanilang operasyon.
Kabilang sa mga nakumpiska sa mga Taiwanese ay laptops, desktop computers, flash drives, manual o template ng modus.
Samantala, arestado rin ang tatlong Taiwanese national matapos ireklamo ng kasong human trafficking ng isa sa apat na Chinese nationals na kanilang ni-recruit kahapon sa Makati City.
Sina Pang Shao Yo, 33; Jing Shao Wang, 41; at Chang Yi Neng, 30, na pansamantalang nanunuluyan sa no. 1983 Spring St. San Miguel Village, Makati ay positibong itinuro ng biktimang si Inquon So, 44, ng Alpha Hotel sa Roxas Blvd., Pasay City.
Sa imbestigayon ng pulisya, ni-recruit ng mga suspect ang biktima kasama ang tatlong iba pa mula sa China patungong Pilipinas dahil pinangakuang bibigyan ng trabaho subalit hindi natupad.
Ikinulong ng mga suspect ang biktima sa bahay na kanilang tinutuluyan subalit nakatakas at nagsumbong sa mga awtoridad.
- Latest
- Trending