Spanish doctor nakaligtas sa sampung saksak
Manila, Philippines - Masuwerteng nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang isang Espanyol na doktora makaraang matagpuan itong tadtad ng saksak sa kanyang katawan sa tinutuluyang kuwarto sa isang hotel, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Ginagamot sa San Juan de Dios Hospital ang biktimang nakilalang si Beatriz Pereiro, 30, pansamantalang nanunuluyan sa Green View Hotel sa Aurora Extension, ng naturang lungsod. Nabatid na nagtamo ito ng 10 saksak sa katawan.
Sa inisyal na ulat ng Pasay City Police, dakong ala-1:45 ng madaling-araw nang matagpuan ng roomboy na si Rannie Bucio ang biktima sa loob ng silid nito. Ayon kay Bucio, nakarinig siya at ang mga kasamahang roomboy ng sigaw at paghingi ng saklolo ng biktima kaya agad nilang tinungo ang silid nito.
Sa dagdag na imbestigasyon, nabatid na kararating lamang ng dayuhan buhat sa Clark Airport sa Pampanga nitong nakaraang Miyerkules ng gabi at nagpatulong sa konduktor ng sinakyang bus ng matutuluyang hotel. Dinala naman ng konduktor na si Aristotel Axiba, 34, ang biktima sa Green View Hotel na malapit sa kanilang terminal kung saan dito ito nag-check-in.
Dakong alas-9 ng gabi, nang bumalik si Axiba upang alamin ang kalagayan ni Pereiro sa Room 212 ngunit isang lalaki umano na nakasuot ng uniporme ng security guard ang nagbukas sa kanya ng pinto. Agad naman siyang umalis sa pag-aakalang nagkamali siya ng kuwartong pinuntahan.
Isang masusing imbestigasyon naman ang isinasagawa ngayon ng pulisya sa lahat ng empleyado partikular na ang mga security guard ng naturang hotel. Inaalam rin kung posibleng pinagtangkaang gahasain ang biktima o pagnanakaw ang motibo ng krimen.
- Latest
- Trending