Tren ng LRT dalawang beses tumirik!
MANILA, Philippines - Dalawang beses tumirik ang isang tren ng Light Rail Transit (LRT) Line 2 kahapon ng umaga makaraan umanong masira ang preno nito habang ‘rush hour’ at dagsa ang mga tao sa mga istasyon.
Ayon kay Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRT at Metro Rail Transit (MRT), ang unang aberya ng isang tren ng Line 2 ay naganap dakong alas-7:14 ng umaga sa Recto Station sa Maynila. Nagtagal ng anim na minuto ang aberya bago muling napaandar ang tren na patungo ng Santolan, Pasig City.
Pero bago pa man sumapit sa V. Mapa Station sa Sta. Mesa para sana igarahe ang tren ay muli itong tumirik makaraang manikit ang preno at tuluyang hindi na napaandar ganap na alas-7:38 ng umaga.
Umabot ng pitong minuto o ganap na alas-7:45 bago napaandar ang tren at tuluyang iginarahe para ayusin ang naging sira.
“Sumingaw po ang ‘pressure pump’ saka nanikit ang preno kaya kinailangan pang kumpunihin at ayusing mabuti ng aming mga maintenance crew,” ani Cabrera.
Nagpahayag naman ng pagkainis ang maraming bilang na mga pasahero na naipon sa mga istasyon ng LRT Line 2 dahil sa muling pagkakaantala sa pagpasok sa kani-kanilang mga trabaho at appointment.
Duda naman ang maraming bilang na mga pasahero ng LRT at MRT hinggil sa palagiang pagkasira ng kanilang mga tren.
“Hindi kaya kinukundisyon lang tayo ng pamunuan ng LRT at MRT para sa pagpapatupad nila ng dagdag na singil sa pasahe at ang planong isapribado ang operasyon nila,” pagtatanong ni Raymond Perez, isang regular na pasahero ng LRT at MRT. (Mer Layson at Doris Franche)
- Latest
- Trending