MMDA humirit sa road users tax
MANILA, Philippines - Dahil sa kakulangan sa pondo, umaasa ngayon si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na mabibigyan sila ng bahagi ng “Road Users Tax” upang magamit nila para sa pagbili ng mga kagamitan at pagdaragdag ng mga traffic enforcers sa pangunahing mga kalsada sa Metro Manila.
Sinabi ni Tolentino na malaki ang maitutulong ng ayuda sa pondo para sa pagpapataas ng kalidad ng kanilang “traffic signal system” lalo na sa mga pinakamapapanganib na kalsada tulad ng Commonwealth Highway sa Quezon City.
Bukod pa dito, makakabili rin sila ng karagdagang “speed radar gun” na gamit nila para ma-monitor ang bilis ng takbo ng mga sasakyan. Kasalukuyang may dalawa lamang na naturang equipment ang MMDA na hindi pa nila umano madagdagan dahil sa kapos na sa pondo.
Muli namang ipinatupad kamakalawa ng MMDA ang “contact apprehension policy” kung saan agad na paparahin at titikitan ng mga traffic enforcers ang mga motoristang mahuhuli sa aktong lumalabag sa batas-trapiko. Higit sa 80 traffic violators ang agad na nahuli ng mga enforcers sa Commonwealth Avenue matapos namang masawi rito ang beterang mamamahayag na si Chit Estella dahil sa pagbangga ng bus sa sinasakyan nitong taksi.
- Latest
- Trending