Holdaper bulagta sa shootout
MANILA, Philippines - Napatay ng mga tauhan ng Manila Police District ang isa sa dalawang holdaper na naaktuhang nanghoholdap ng mga pasahero ng dyip nang manlaban ito habang nakatakas naman ang isa sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Inilarawan ang nasawing suspect sa edad na 30-35, may taas na 5’3 talampakan, kayumanggi at katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng itim na long sleeves, may tattoo sa dibdib na “Ricky, Lot & Boy” habang sa likod nito ay nakatatak ang mga pangalang “Marlon, Ramon, Wilson Chua, Melchor, Boyet, Norma Bautista”.
Ayon sa ulat, dakong alas-3:45 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng Bambang at Oroquieta Sts. sa Sta. Cruz.
Isa sa pasahero na kinilalang si John Jayvee Garcia, ang nagsabing tinutukan siya ng baril ng isa sa suspect bago nagdeklara ng holdap at nilimas ang mga pera, cellphone at mga kagamitan ng lahat ng pasahero, bago nagtalunan mula sa dyip ang 2 suspect.
Ang pagsigaw ng ilang pasahero ang nakatawag pansin naman sa grupo ng mga nagpapatrulyang pulis. Hinabol ang mga tumatakas na suspect na unang nagpaputok kaya naman napilitan ang mga parak na gantihan ang mga ito ng putok na ikinamatay ng isa sa mga suspect. Isa sa suspect naman ang nakatakas dala ang mga gamit at pera na kinulimbat.
- Latest
- Trending