Dinukot na beybi nabawi, mag-live-in, timbog
MANILA, Philippines - “Takot akong iwan ng live-in partner ko, kaya kinidnap ko ’yung sanggol!” Ito ang ginawang pag-amin kahapon ng nasakoteng kidnapper na si Lanie Francisco na bagsak kalaboso kasama ang live-in partner nitong si Abelardo Gabriel sa tanggapan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group-Anti-Organized Crimes Division (PNP-CIDG-AOCD) sa Camp Crame.
Ito’y kasunod ng pagkakaligtas sa 3-buwang sanggol na si Jillian Crystal Jugos na kinidnap ni Franciso sa ina ng sanggol na si Dialen Robelo, 30, ng Villa Raymundo, Nagpayong Centennial II, Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City noong Mayo 6 ng taong ito.
Ayon kay Sr. Supt. Ronald Estilles, Chief ng CIDG-AOCD, ang bata ay nailigtas ng kanyang mga tauhan kamakalawa dakong alas-2 ng madaling-araw sa raid sa Brgy. Poblacion, Luna, Apayao na nagresulta rin sa pagkakasakote sa mag-live-in partner. Sinabi ni Estilles na iniimbestigahan na ngayon ng CIDG-AOCD kung sangkot ang mag-live-in partner sa kaso ng pagbebenta ng mga sanggol na kinikidnap.
Lumilitaw pa sa isinagawang imbestigasyon na pinalitaw ni Francisco na anak ng kanyang live-in partner ang sanggol upang hindi umano siya iwan ng nasabing lalaki matapos na umano’y malaglag ang ipinagbubuntis at hanapan siya nito ng anak. Gayunman, duda ang pulisya sa alibi nito. Inaalam din kung kasabwat si Abelardo sa pagtangay sa sanggol para sampahan din ito ng kasong kidnapping.
- Latest
- Trending