MANILA, Philippines - Napatay ang sinasabing notoryus na holdaper na nang-hostage ng babae matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Brgy Commonwealth, Quezon City kamakalawa.
Kinilala ni P/Supt. Ronnie Montero, hepe ng Police Station 6 ng QC, ang napatay na si Dennis Estrada na gumagamit ng mga alyas Jeffrey, Ronnie, at Tayman,
Narekober ng pulisya ang cal. 45 pistola at patalim na ginamit sa hostage-drama laban kay Glenda Nieva, 35.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente sa bahay ni Glenda sa Kamagong St., Brgy. Commonwealth ganap na alas 5:45 ng hapon.
Nabatid na natiyempuhan ni Estrada na nanonood ng telebisyon si Nieva saka isinagawa ang hostage-drama.
Lumilitaw na bago maganap ang insidente, binaril ni Estrada si Edgar Bernardo sa nasabing lugar noong Biyernes kaya pinaghahanap ng pulisya.
Dito naman namataan ng ilang residente si Estrada na pumasok sa bahay ni Nieva kung saan naganap ang hostage-drama.