Driver nagbigti
Manila, Philippines - Isang 41-anyos na driver ang nagbigti dahil umano sa matinding problema sa pamilya at ka-live-in nito kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Patay na nang matagpuang nakabitin si Luis Solomon, ng P. Jacinto St., ng nasabing lungsod, dakong alas-8 ng gabi sa loob ng pinapasukan nito sa Asistio St., Brgy. 89, Caloocan City.
Nabatid kina Luzque Saboral 22; at Mirabel Alviso 20, kapwa stay-in housemaid sa pinapasukan ng biktima, hinanap umano nila si Solomon dahil sa kakain na ng hapunan.
Nang tingnan ng mga ito ang silid na pinagpapahingahan ay bumulaga sa kanila ang nakabigting biktima.
Sinabi pa ng mga saksi na bago ang pagpapatiwakal ay nagkuwento sa kanila ang biktima hinggil sa problema nito sa pamilya at ka-live-in nito. Patuloy pa ring iniimbestigahan ang nasabing kaso.
- Latest
- Trending