2 nalitson na preso kilala na
Manila, Philippines - Kilala na ang dalawang preso na nalitson sa sunog na naganap sa New Bilibid Prison (NBP), Muntinlupa City kamakalawa.
Nakilala ang mga nasawi na sina Eduardo Solis, 60, tubong Negros Oriental na may kasong theft at nakatakdang lumaya sa susunod na buwan at Lito Amaya, 21, tubong Negros Oriental, na may kaso namang homicide.
Ayon sa imbestigayon, si Solis ay na-trap sa loob comfort room habang si Amaya naman ay nakalabas na ng kanyang selda, subalit may naiwan itong mahahalagang kagamitan kaya’t binalikan ito subalit hindi na rin nakalabas dahil sa lakas ng apoy.
Naunang napabalita na apat na preso ang nawawala at nang muling nagsagawa ng headcount ay natagpuan na ang apat, kung saan hindi naman tumakas at tumulong lamang sa mga bumbero para sa pag-apula ng apoy.
May hinala ang mga awtoridad na sumabog na kalan ang pinagmulan ng sunog, dahil ang mga idini-deliver na mga pagkain para sa mga preso ay muli nilang niluluto.
Nabatid na dakong alas-4:20 ng hapon naganap ang sunog, noong Biyernes, Friday the 13th sa Building 5 ng Camp Sampaguita ng NBP.
Ayon naman kay Bureau of Corrections Director Ernesto Diokno, may 700 katao ang nasa loob ng Building 5 na kung tutuusin ang kapasidad lamang nito ay nasa 300.
- Latest
- Trending