MANILA, Philippines - Pinatay muna sa saksak ng isang mister ang kanyang misis bago rin ito nagsaksak sa sarili kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.
Dead-on-arrival sa Manila Central University (MCU) Hospital ang biktimang si Jacqueline Manalang, 32, ng Brgy. Maysan ng nasabing lungsod sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan.
Nasa kritikal na kondisyon naman ang suspek na si Ferdinand Velasco na nagsaksak sa tiyan.
Naganap ang insidente dakong alas-7 ng gabi sa loob ng bahay ng mag-asawa. Ayon sa kanilang mga kapitbahay, unang narinig ang pagtatalo ng dalawa kasunod ang mga kalabog, hanggang sa marinig ang paghingi ng tulong ng babae.
Puwersahang binuksan ng mga kapitbahay ang bintana ng bahay ng dalawa at doon gumulantang sa kanila ang duguang biktima at suspek. Mabilis na isinugod ang dalawa sa pagamutan, subalit ang babae ay dineklarang DOA at ang suspek naman ay kasalukuyang inoobserbahan sa naturang pagamutan. Selos ang nakikitang dahilan sa krimen.