Korean escort service syndicate, nabuwag
MANILA, Philippines - Sampung kababaihan ang nailigtas ng mga elemento ng Women and Children Protection Division (WCPD) ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos malansag ang isang Manila –based escort service syndicate kasunod ng pagkakaaresto sa limang suspect sa operasyon sa lungsod ng Maynila nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ni PNP-CIDG Director P/Chief Supt. Samuel Pagdilao, ang operator ng escort service syndicate na si Mihn Byong Kil, Korean national at girlfriend nitong si Marian Bagonoc, 25. Arestado rin sa operasyon ang iba pang suspect na sina Petronilo Barin, 45; Juan Carlo Endriga, 35; Roberto Alburo at Carlito Yu; pawang security guards. Maliban kay Kil na nakatakas ay nasakote si Baganoc at mga kasamahan ng mga ito sa sindikato.
Inihayag ni Pagdilao na sina Kil at Bagonoc ang operators ng Little Orange Massage Service, ang escort service ring na ang front ay home service massage providers na ang mga parukyano ay mga Korean national. Alinsunod sa Republic Act 9208, ang escort service ay nasasaklaw ng qualified trafficking in person, na walang piyansa.
Ang raid ay isinagawa matapos magreklamo sa mga awtoridad ang dalawang babaeng biktima na sinabing niloko sila ni Bagonoc sa pangakong bibigyan sila ng magandang hanapbuhay pero hindi nila sukat akalaing gagawin silang mga prostitute.
Nabatid pa na ang mga kababaihan na ibinebenta kapalit ng sex sa mga Koreano ay ni-recruit ng sindikato mula pa sa Visayas Region kung saan P 200 kada oras ang singil sa mga parukyano at kumikita sina Kil at Bagonoc ng P 240,000.00 kada buwan.
- Latest
- Trending