MANILA, Philippines - Palaisipan sa mga tauhan ng Malabon City Police ang natagpuang bangkay ng isang lalaki na nakaupo sa isang wheelchair na umano’y iniwan ng hindi pa kilalang suspek na nakasakay sa isang puting van kahapon sa isang bakanteng lote sa nabanggit na siyudad. Inilarawan lamang ng pulisya ang biktima na nasa edad 30-35, may taas 5’4, katamtaman ang pangangatawan, kayumanggi, may tattoo sa dibdib na hugis puso at nakaukit ang pangalan “Joy”, nakasuot ng sando-short, violet jacket, nakasumbrero, at may bracelet na tatak na “Joy Love Jake”. Sa inisyal na imbestigasyon, dakong ala-1:00 ng hapon nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa bakanteng lote sa Mc Arthur Highway, Brgy.Potrero, Malabon City.
Ayon sa pahayag ni Roderick Patawi, nakita nito ang biktima na nakaupo sa isang wheelchair sa bakanteng lote sa nasabing lugar, dahilan upang kanyang lapitan ito para matulungan at sa kanyang paglapit ay doon niya nabatid na hindi ito gumagalaw kaya agad niyang ipinagbigay-alam sa mga awtoridad. Nang respondehan ng pulisya ay doon nadiskubreng patay na ang biktima. Wala namang nakitang anumang sugat ito sa katawan. Ayon naman sa ilang saksi, nakita nilang ibinaba ang biktima sa isang puting van na walang plaka, saka mabilis na tumakas sa di-malamang direksyon. Ang bangkay ng biktima ay nasa Nate Funeral Homes, Caloocan City at isasailalim na rin sa autopsy.