Reusable materials palit binhi para sa urban farming
MANILA, Philippines - Hindi na kailangang gumastos pa ang mga taga- Quezon City na nahihilig sa pagsasaka sa kalunsuran, o urban farming, para lamang makakuha ng binhi o seedlings na kanilang itatanim.
Ito ay bunsod ng isinusulong na programa ni QC Vice Mayor Joy Belmonte hinggil sa pamamahagi ng binhi o seedlings para sa urban farming kapalit ng mga bote ng softdrinks, iba pang lalagyang plastic, o mga reusable materials.
Ayon kay Belmonte, sa ilalim ng programang ito ay maaaring ipagpalit ng isang indibiduwal ang naturang mga reusable material sa mga binhi, gaya ng isang bote ng 1.5 na softdrink na may katumbas na isang seedling.
Bukod sa seedling, maaari ring ipagpalit ng mga taga lungsod ang kanilang reusable materials sa pagkain tulad ng isang pakete ng instant noodles.
Ipinaliwanag ni Belmonte na hindi lamang pagpo-promote ng urban farming sa QC ang nakapaloob sa naturang programa kundi maging ang pangangalaga sa kalikasan lalu na ngayong nararanasan na natin ang epekto ng climate change o pagbabago ng panahon.
Isa rin sa mga programang isinusulong ni Belmonte ang kampanya laban sa climate change at nitong nakaraang buwan ay sinimulan na nitong pangunahan ang Learning Caravan on Climate Change na isang training-seminar hinggil sa tamang pagtugon sa pagbabago ng panahon na inorganisa para sa mga kabataan.
- Latest
- Trending



















