Kano na pumatay sa misis na Pinay, timbog ng NBI
MANILA, Philippines - Timbog ng mga ahente ng NBI ang isang puganteng Amerikano na nagtago sa bansa ilang buwan matapos ang umano’y pagpatay sa kanyang Pinay na asawa na inilibing pa sa kanilang bakuran, sa Las Vegas, Nevada.
Sa pahayag ni NBI-Central Luzon Regional Director Atty. Ric Diaz, nadakip si Hugh Cave, 53, may kasong murder sa Estados Unidos kaugnay sa pagpaslang sa misis na si Gloria Cave. Isinasailalim na ito sa extradition process upang maibalik sa Nevada para harapin ang kanyang kaso.
Nabatid na naaresto si Cave sa bahay ng mga kaanak ng kanyang misis sa Sabang Village, Morong, Bataan noong nakalipas na linggo.
Ang misis na napatay ay huli umanong nakitang buhay noong Nobyembre, 2010 sa isang salu-salo ng Thanksgiving sa Las Vegas.
Pebrero lamang ng taong kasalukuyan ay umuwi sa Pilipinas si Cave upang ipaalam sa mga kaanak ni Gloria na namatay ito sa car accident. Dala pa umano ni Cave sa mga kaanak ni Gloria ang isang urn na may laman umanong abo ni Gloria na diumano’y ipina-cremate na.
“Nasunog daw yung katawan nung biktima nung nasunog yung kotse pagkatapos nung aksidente kaya nag-decide yung foreign national na i-cremate na lang yung remains ni Gloria,” ani Diaz.
Naniwala naman umano ang pamilya ni Gloria sa kuwento ng Kano at maluwag pa itong tinanggap ng pamilya.
Noong Abril 23, isang Fe Rawson-Oseo, ang nakadiskubre ng nakalibing na bangkay ni Gloria. Si Oseo ang nakabili ng bahay na ibinenta umano ni Cave bago ito magtungo sa Pilipinas. Nang ireport ni Oseo sa Las Vegas Police ay agad namang inaksyunan.
Nakakuha ng warrant of arrest laban kay Cave ang Las Vegas Police at nakipag-ugayan sa NBI at PNP na rito na nga natunton ang suspect sa Bataan.
- Latest
- Trending














