Bebot lasog sa dalawang taxi sa pagtawid sa EDSA

MANILA, Philippines -  Isang hindi nakikilalang babae ang nasawi matapos na mabundol ng dalawa umanong taxi habang tumatawid sa EDSA sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.

Ang biktima ay inilarawan na nasa 40-45 anyos, katam­taman ang pangangatawan, morena, maikli ang buhok at nakasuot ng asul na t-shirt at striped na short pants.

Agad na nasawi ang biktima sa naturang lugar makaraang mahagip ng dalawang taxi na hindi naman huminto matapos ang pagkakabundol ganap na ala-1 ng madaling-araw sa harap ng Brgy. Unang Sigaw sa naturang lugar.

Ayon sa ilang saksi, tinangka ng biktimang tumawid sa lugar, pero nahagip ng taxi na galing sa Congressional Avenue­ patungong Caloocan City. Matapos na bumuwal, muli na namang nahagip ng isa pang taxi ang biktima na galing din sa nasabing direksyon na hindi napuna na may nakahiga sa kalsada.

Show comments