MANILA, Philippines - Magandang balita para sa mga mag-aaral, office workers at iba pang mga commuters ng MRT at LRT.
Ito ay dahil sinabi ni DOTC Undersecretary for Public Information Dante Velasco na wala munang magaganap na pagtataas sa pasahe sa MRT at LRT, partikular ngayong pagsisimula ng pasukan.
Niliwanag ni Velasco na ang hakbang ay ginagawa ng DOTC bilang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Noynoy Aquino na maalalayan ang mamamayan tungo sa magandang pamumuhay.
“Wala sa timing ’yan, wala na munang taas-pasahe sa LRT at MRT laluna sa opening ng klase, ayaw naming madagdagan pa sa ngayon ang gastusin ng taumbayan dahil diyan,” pahayag ni Velasco.
Bukod dito, sinabi ni Velasco na patuloy pa rin ang 20 percent discount ng mga mag-aaral, elderly at mga may kapansanan sa pagsakay sa MRT at LRT upang mapagaan ang kanilang gastusin.
Una nang inabisuhan ni Pangulong Aquino ang pamunuan ng DOTC na bigyan pa ng mas mahusay na serbisyo ang taumbayan para sa pagkakaroon ng maayos na pamumuhay.