MANILA, Philippines - Nagsisipagtago sa mga urban centers sa bansa, partikular na sa Metro Manila ang mga teroristang Abu Sayyaf Group (ASG).
Ito ang kinumpirma kahapon ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., base sa patuloy na intelligence monitoring ng PNP kasunod ng pagkakaaresto sa dalawang Abu Sayyaf terrorist na sina Imam Arabani Jakiran at Asdatul Sahirun, isa sa mga lider ng bandidong grupo sa magkakahiwalay na operasyon sa Metro Manila.
Si Jakiran, may reward na P 350,000, nagtatrabaho na bilang security guard ng Pacific Plaza tower sa Global City, Taguig ay nasakote noong Mayo 5, habang si Sahirun, gumagamit ng mga alyas na Abu Nawas/Kirih Hamid Sahirun at may patong sa ulong P3.3-M ay namataan naman sa isang mall sa Ermita, Manila kamakalawa.
Kasabay nito, inihayag ni Cruz na instant millionaire ang tipster ni Sahirun na tumanggi muna nitong tukuyin ang pangalan kaugnay ng usapin sa seguridad.
Sinabi pa nito na madaling makapagtago ang mga ito sa Metro Manila dahilan maraming kamag-anak dito ang naturang mga lokal na terorista na kumukupkop sa kanila kapag mainit ang operasyon ng security forces sa Mindanao.
Samantala, muli ring nanawagan sa publiko ang PNP na maging vigilante at ireport kaagad sa mga awtoridad ang mga kahina-hinalang kilos ng hindi kilalang mga indibidwal sa mga matataong lugar upang masupil ang paghahasik ng terorismo.
Sa panig naman ni Defense Secretary Voltaire Gazmin, sinabi nito na walang dapat ipag-panic ang publiko sa pagkakaaresto ng dalawang Abu Sayyaf sa Metro Manila dahilan kontrolado ng mga awtoridad ang usapin ng seguridad.