Killer, holdaper itinumba ng vigilante
MANILA, Philippines - Hinihinalang kumikilos na ang vigilante group upang itumba at hindi na paabutin sa korte ang mga masasamang elemento matapos ang magkasunod na insidente ng pamamaslang ng riding-in-tandem sa dalawang arestadong suspect na dadalhin sa Manila Prosecutors Office para sa inquest proceedings, nitong Biyernes at Sabado ng gabi, sa Tondo, Maynila.
Ayon kay Insp. Armand Macaraeg, hepe ng Manila Police District-Homicide Sec tion, patay din sa riding-in-tandem ang suspect sa kasong robbery with homicide na si Gordon Inciong, 26, flower arranger, residente ng no. 1373 Quiricada St., Tondo.
Sa ulat ni SPO4 Danilo Vidad, si Inciong ay preso mula sa MPD-station 2, na isasailalim sa inquest proceedings sa Manila City Hall kamakalawa ng gabi, nang barilin ng isa sa riding-in-tandem habang ibinibiyahe ng mga escort na pulis patungo ng Manila City Hall, dakong 10:15 kamakalawa ng gabi habang sakay ng tricycle sa panulukan ng Road 10 at Lakandula St., Tondo.
Nagulat umano ang escort na mga pulis nang dumikit ang humaharurot na riding-in-tandem sa tricycle at pinaputukan ng dalawang beses si Inciong at agad ring tumakas. Dinala pa sa Gat Andres Bonifacio Hospital si Inciong subalit hindi na umabot ng buhay.
Matatandaang noong Huwebes dakong alas-4:00 ng hapon nang holdapin ni Inciong at isang nakatakas na holdaper na kilala sa alyas na Alvin Toyo ang pampasaherong dyip sa panulukan ng Quiricada at J. Abad Santos Sts. Pumalag ang pasaherong si Julieto Temblanco, 51, kaya tinadyakan nila ito at nahulog sa dyip. Isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) subalit makalipas ang mahigit 13 oras ay binawian na ng buhay dahil sa pagkabagok ng ulo. Isa pang pasahero na si Rachelle Ong, 20 ang sugatan nang saksakin sa kili-kili ng dalawang suspect.
Kaugnay sa isyu ng vigilante, isang preso din na kinilalang si Allbert Libanan Mangila, vendor, miyembro ng Sigue-sigue Commando gang at residente ng no. 920 San Antonio St., Tondo, ay binaril at napatay ng riding-in-tandem habang sakay din ng tricycle dakong alas-10:30 ng gabi sa panulukan ng Mayhaligue at J. Abad Santos St., kaya hindi na ito nakasuhan.
- Latest
- Trending