Tsinay, pinagnakawan, tinodas

MANILA, Philippines - Wala nang buhay nang matagpuan ang isang Tsinay sa loob ng tahanan nito kung saan hinihinalang pinasok ito ng magnanakaw at saka pinaslang kamaka­lawa ng gabi sa Valenzuela City.

Isang garter ang natagpuang nakapulupot sa leeg ni Rosita Reducio-Ong, 60, residente ng F. Lazaro St., Brgy. Canumay West, ng naturang lungsod.

Sa ulat sa Valenzuela police ng mister ng biktima na si Joseph Sy, galing siya ng Apalit, Pampanga buhat sa isang transaks­yon sa ne­gosyo nang dumating ng kanilang bahay dakong alas-6:30 ng gabi. Sa biyahe pa lamang ay hindi na sumasagot ang asawa sa tawag niya sa cellphone at nang duma­ting siya ay hindi rin ito sumasagot at hindi nagbubukas ng pinto.

Sinira ni Sy ang bintana sa likod ng bahay hanggang sa makapasok.

Dito nito nadiskubre ang bangkay ng asawa na nakagapos ang mga kamay at napupuluputan ng garter ang leeg.

Agad namang humingi ng saklolo sa mga kaibigan si Sy at humingi ng res­ ponde sa pulisya. Sa inisyal na imbestigasyon, nawawala umano ang cellphone at laptop computer ng biktima na maa­aring tinangay ng mga hindi nakilalang salarin.

Nagsasagawa pa ng mas masusing imbestigasyon ang pulisya upang makilala ang mga salarin at mabatid ang tunay na motibo ng krimen.

Show comments