MCJ nagsagawa ng fire drill
MANILA, Philippines - Nagsagawa ng fire drill sa Manila City Jail (MCJ) ang mga opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology(BJMP) at Bureau of Fire Protection (BFP) upang makita ang kahandaan nito sakaling magkaroon ng insidente ng sunog.
Ayon kay MCJ Warden Sr. Supt. Ruel Rivera, hindi biro ang insidente ng sunog sa lugar lalo pa’t responsibilidad nila ang buhay ng may 6,580, bilanggo.
Sinabi ni Rivera na nagsagawa sila ng fire drill upang maihanda ang kanyang mga tauhan sa insidente ng sunog at kung anong mga hakbangin ang dapat na isaalang-alang.
Nagsilbi namang observer sa nasabing drill sina Chief Supt. Romeo Elizan, chief Directorial Staff; Sr. Supt. Allan Iral, director for operations; Chief Supt. Crisfo Diaz, Fire Station 5 chief; Chief Insp. Emilio Langcay, chief Operation branch ng Manila Fire Dept. at Chief Insp. Ricky Heart Pegalan, PIO ng MCJ.
Batay sa obserbasyon ni Elizan, naipakita umano ng pamunuan ng MCJ ang kanilang paghahanda subalit kailangan pa rin na maging pamilyar ang lahat ng personnel sa Incident System Plan.
Hindi naman lahat ng personnel ay makakapagresponde sakaling nagkaroon ng sunog.
Aminado si Elizan na kulang ang mga tauhan ng BJMP. Sa ngayon ang ratio ay 1:7 sa bawat jail.
Sinang-ayunan naman ni Diaz ang pahayag ni Elizan kung saan sinabi nito na kailangan din ang community involvement lalo pa’t masikip ang daan patungong MCJ.
Giit naman ni Rivera, regular ang kanyang ginagawang pagpupulong sa kanyang mga tauhan upang maging alerto ang kanyang mga tauhan. Sa ngayon aniya ay umaabot lamang sa 14 ang fire extinguishers ng MCJ na nakalaan lamang sa mga maliliit na sunog.
- Latest
- Trending