Probe vs scam sa illegal stickers sa PUJ
MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ni Manila Information Bureau chief at chief of staff Ric de Guzman ang nalantad na multi-milyong modus operandi ng ilang tiwaling opisyal ng pulisya kaugnay ng mga sticker na idinidikit sa mga pampasaherong jeep na rumuruta sa Maynila.
Ito’y makaraang mabunyag sa isinagawang on-the-spot operation ng Anti-Smoke Belching Unit (ASBU) at ng hepe nito na si Joey Arriza na ang mga pampasaherong jeep na tumatakbo sa kahabaan ng Abad Santos, Avenida, Recto, Divisoria at Magsaysay Blvd. ay may iba’t ibang hugis at kulay na sticker na nagkakahalaga ng P10 bawat isa.
Ang nasabing stickers ay may iba’t ibang hugis na letra, prutas o simpleng tatsulok o square lamang. Tinatayang kumikita ang mga operator ng iligal na gawain ng hindi bababa sa P6 milyon sa isang buwan.
Ayon sa mga driver na sina Ricardo Nolasca at Florencio Fajardo, ng MCU-Divisoria, ang stickers ay binibigay sa kanila ng mga vendor. Binanggit din ang mga lugar na Pasay, Taft, Antonio Rivera, at Divisoria kung saan umano ipinamamahagi ang nasabing mga stickers.
Idinidikit umano ito sa harapan ng sasakyan upang magsilbing proteksyon laban sa anumang huli, kabilang na ang paglabag sa smoke-belching.
Ayon sa pahayag ng isa pang drayber, na tumangging magpabanggit ng pangalan, ng sinita ito ng ASBU, ang tatsulok o square stickers na may butas sa gitna ay proteksyon umano sa paglabag sa batas ukol sa smoke-belching.
Sa rekord ng mga dyipning bumibiyahe sa Maynila, tinatayang umaabot ito mula sa 10,000 hanggang 20,000 araw-araw.
Ang pagsisiyasat na iniutos ni De Guzman ay upang mapag-alaman kung sino ang utak ng modus operandi at upang masampahan ito ng kaukulang kaso.
- Latest
- Trending