MANILA, Philippines - Isinusulong ni Manila 4th district councilor Don Juan Bagatsing ang paglalagay ng closed circuit television (CCTV) cameras sa lahat ng pampubliko at pribadong ospital na kanilang nasasakupan sa lungsod ng Maynila.
Ang panukala ni Bagatsing ay upang maiwasan ang talamak na nakawan ng sanggol at ano pa mang “hospital-centered” crimes partikular sa mga pampublikong ospital.
Naniniwala si Bagatsing na hindi na ligtas ang mga ospital kabilang dito ang mga staff, pasyente, at mga bisita dahil sa mga masasamang elemento tulad ng mga mandurukot, salisi gang at iba pa.
Aniya, sa libu-libong pasyente kabilang na ang mga bantay nito sa 30 ospital sa Maynila na pampubliko at pribado ay aminado siyang mahirap i-monitor ang bawat galaw ng mga tao na pumapasok at lumalabas sa mga pagamutan.
Batay sa resolusyong inihain ni Bagatsing, nais niyang maglagay ng mga camera sa lahat ng ospital laban sa mga indibidwal o grupo na nagpapanggap bilang staff ng ospital, cashier o kung minsan ay ahente upang maisagawa ang isang krimen.
Matatandaang sa record ng Manila Police District, unang isinagawa ang pagnanakaw ng bagong panganak na sanggol sa Ospital ng Sampaloc noong Marso 23, 2011 at huli nitong Abril 28, 2011 sa Ospital ng Maynila kung saan nagpanggap na Nurse sa ina ng kinidnap na sanggol.
Higit sa lahat sinabi ng konsehal na dapat paigtingin ang seguridad sa loob at labas ng ospital para sa proteksyon ng kanilang mga pasyente.