MANILA, Philippines - Karumal-dumal ang sinapit ng isang 3-taong gulang na batang babae habang posible namang maputulan ng paa ang lolo nito na nagmamaneho ng motorsiklo nang mabangga at suyurin ng isang cement mixer truck, kahapon ng umaga sa Ermita, Maynila.
Nahati ang katawan ng biktimang si Janery Siplon, ng Baseco Compound, Port Area, Manila, habang nilalapatan pa ng lunas sa Medical Center Manila (MCM)ang lolo nitong si Crisaldo Morales, 48, na nadurog umano ang kanang binti.
Sa ulat ni SPO3 Sergio Macaraeg ng Manila Traffic Enforcement Group, nakatakdang isailalim sa inquest proceedings ang arestadong suspect at driver ng mixer truck na si Levi Gonzales Cano, 39, residente ng Parañaque City, empleyado ng kumpanyang Monocrete Ready Mix.
Sa ulat, dakong alas-9 ng umaga kahapon nang maganap ang insidente sa panulukan ng United Nations Ave. at San Marcelino Sts., sa Ermita.
Ayon sa testigo, red signal light at nakahinto ang motorsiklo (4682 PH) ng mag-lolo habang nasa likuran nila ang cement mixer truck (RKG-434) na minamaneho naman ni Cano. Agad na pinatakbo ni Cano ang truck nang mag-green light na hindi napansin ang motorsiklo at nasagasaan ang mga biktima.
Galing umano sa Manila City Hall ang mga biktima patungo sa Paco market upang mamili ng mga paninda nang maganap ang trahedya.
Habang isinusulat ang balitang ito, nag-uusap pa umano ang kampo ng pamilya ng mga biktima at kinatawan ng kumpanya kung itutuloy pa ang pagsasampa ng mga kaso o mag-aaregluhan na lamang at sasagutin ang mga gastusin ng mga biktima.