Interior designer sumaklolo sa pamangkin, binaril

Manila, Philippines - Nasawi ang isang 46-anyos na interior designer nang barilin sa ulo ng kanyang kapitbahay na inawat ng una sa pangungu­rsunada sa pamangkin nitong may kapansanan sa pag-iisip, kamakalawa ng gabi sa Taguig City.

Isang tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ng biktimang si Rizalino Ledesma, ng Blk. 14 EP Village, Brgy. Pinagsama, sa naturang lungsod. Mabilis namang tumakas ang suspect na nakilala lamang sa alyas na Roger, tricycle driver.

Naitala ang krimen pasado alas-10 ng gabi malapit sa bahay ng biktima. Nabatid na natutulog na umano si Ledesma nang katukin ng mga kapitbahay para sabihing kinukursunada ng suspek ang kanyang pamangking lalaki na may kapansanan sa isip. Agad namang sumaklolo ang biktima at inawat ang suspek.

Papauwi na umano ito nang makarinig ang mga residente ng isang putok ng baril at ma­kitang duguang bumagsak ang biktima habang mabilis na tumakas ang suspek.

Show comments