Manila, Philippines - Dalawa sa tatlong karnaper ang napatay nang makipagpalitan ng putok sa mga tauhan ng Manila Police District-Station 4, matapos sitahin sa aktong tinatangay ang pain na motorsiklo sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sa imbestigasyon, dakong alas-8 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Claro M. Recto Avenue sa Sampaloc, Maynila.
Una umanong nagplano ang pulisya na magpain ng motorsiklo sa grupo at nang ilagay sa paradahan ang isang ‘Yamaha Mio” at nagmanman na sila hanggang sa dumating ang riding-in-trio at nilapitan ang pain. Habang tinatangay ang pain na motorsiklo ay lumapit na ang mga awtoridad subalit agad silang namataan ng mga suspect kung saan mabilis na pinaputukan ng baril ang mga pulis dahilan naman upang gumanti ang grupo ng huli na dito bumulagta ang dalawa sa mga suspect.
Nagawa namang humarurot ng isa pang suspect na sakay. Narekober sa pinangyarihan ang pick lock na ginagamit sa pagnanakaw ng motorsiklo ng grupo, kulay asul na Honda wave na may plakang ZN 3361 at dalawang .38 paltik na revolver.
Samantala, halos magwala sa sama ng loob ang isang ama nang makumpirma na anak niya ang isa sa dalawang napatay sa shootout.
Sa pagtungo ni Ricardo Abellana Sr., 48, sa MPD, kinumpirma nito na ang anak niyang si Ricardo Abellana Jr. 21-anyos at mekaniko ang isa sa nasabing bangkay.
Itinanggi rin ni Ricardo Sr. na karnaper ang anak taliwas sa bintang ng mga awtoridad.
Samantala, may nakuhang impormasyon na ang isa pang nasawi ay isang alyas “Macmac”.