BI umalerto na rin
MANILA, Philippines - Matapos ang pagkamatay ng lider ng terorista na si Osama Bin Laden, inilagay ng Bureau of Immigration (BI) sa full at round the clock alert ang lahat ng kanilang mga tauhan na nakatalaga sa Ninoy Aquino Interna tional Airport (NAIA), gayundin sa iba pang ports of entry sa bansa.
Ayon kay Immigration Commissioner Ricardo David, Jr., mahigpit na babantayan ng BI ang posibleng pagpasok sa Pilipinas ng mga dayuhang terorista na posibleng maghasik ng karahasan para ipaghiganti ang pagkamatay ni Bin Laden.
Wala umanong katiyakan na hindi gagawa ng aksiyon ang mga kaalyado ni Bin Laden matapos itong mapatay ng US troops.
Hindi umano maaring maliitin ang posibilidad na puntiryahin din ng mga terorista ang Pilipinas dahil kilalang kaalyado ng Estados Unidos ang bansa lalo na sa aspeto sa paglaban sa terorismo.
Kaugnay nito, inatasan ni David ang lahat ng kanilang mga immigration officer sa mga paliparan na doblehin ang pagmamatyag at maging mahigpit sa screening ng mga dumarating na dayuhan lalo na iyong mga galing sa mga bansa kung saan may malawak na tagasuporta ang Al Qaeda.
- Latest
- Trending














