Binatilyo todas sa best friend
MANILA, Philippines - Tila hindi nagustuhan ng isang 16-anyos na binatilyo ang “friendly advice” ng kanyang best friend nang saksakin at mapatay niya ito kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila. Kinilala ang nasawi na si Robin Rillo, 18, ng Dagupan Extension, Tondo, Maynila. Nadakip naman ang suspect na si Glenn matapos ang isinagawang krimen.
Lumilitaw na dakong alas-9:30 ng umaga nang maganap ang insidente habang nag-uusap ang suspect at biktima sa panulukan ng Raxabago at Dagupan Ext. ng nabanggit na lungsod. Pinayuhan umano ng biktima ang suspect na huwag nang puntahan ang kasintahan na nakipag-break sa kanya dahil nagmumukha lamang itong tanga na posibleng minasama ng huli. Sa pahayag ni Richard, kapatid ng biktima hindi umano nila inakalang mauuwi sa pananaksak ang pag-uusap ng biktima at suspect dahil magkapatid na ang turingan ng mga ito sa isa’t isa at madalas na magbiruan. Napansin umano nilang nagbatuhan pa ng mani ang dalawa hanggang sa kutsilyo na ang itinarak ng suspect sa biktima.
- Latest
- Trending