Bagong modus: Karnaper na mekaniko
MANILA, Philippines - Isang lalake na nagpapanggap na auto mechanic pero ang pakay ay mangarnap ng sasakyan ang hinahanting ngayon ng tropa ng Quezon City Police District matapos na matangayan ang isang negosyante na pinag-aplayan nito sa lungsod, ayon sa ulat kahapon.
Ayon sa District Anti-Carnapping Unit ng QCPD, ang suspect ay nagpapakilala sa alyas na “Jonathan” na ang modus ay mag-aplay bilang mekaniko sa mga may-ari ng sasakyan subalit ang pakay ay tangayin lamang ito.
Nag-ugat ang pagtugis matapos na humingi ng ayuda sa DACU ang biktimang si Arthur Macapagal, 34, negosyante ng Brgy. North Fairview sa lungsod.
Partikular na natangay sa biktima ang kanyang Nissan Sentra Exalta na kulay maroon at may plakang WTH-497.
Nangyari ang insidente nang mag-aplay sa biktima ang suspect bilang mekaniko ng kanyang sasakyan kamakailan.
Sa paninilbihan ng suspect sa biktima ay nakuha agad umano ng huli ang tiwala ng una at sinubukan niya ito hanggang sa ipagkatiwala na niya dito ang kanyang sasakyan.
Subalit nitong Lunes ganap na alas-10 ng umaga, matapos dalhin ang sasakyan ng biktima ay hindi na ito bumalik, sanhi upang magduda na siya at magpasyang dumulog sa himpilan ng pulisya.
- Latest
- Trending