MANILA, Philippines - Tinatayang 40 pamilya ang nawalan ng tirahan sa panibagong sunog na sumiklab sa isang compound sa Parañaque City kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Parañaque Fire Department, dakong alas-10 ng gabi nang unang sumiklab ang apoy sa isang bahay sa Florenciana Compound, Quirino Ave., Brgy. San Dionisio, ng naturang lungsod.
Agad na kumalat ang apoy sa may 20 kabahayan na karamihan ay yari sa “light materials” na mabilis na nagdingas. Umabot sa Task Force Bravo ang alarma ng sunog at naapula lamang dakong alas-12:45 na ng madaling-araw.
Sinabi ng mga residente na nagsimula umano ang apoy sa sumiklab na kable ng Manila Electric Company sa isang poste na gumapang sa mga kabahayan.
Wala namang iniulat na nasugatan o nasawi sa naturang sunog na tumupok sa mahigit P1 milyong halaga ng mga ari-arian.
Lumikas naman ang mga apektadong residente sa kalapit na mga basketball court bilang pansamantalang “evacuation area” habang humihingi ng saklolo sa lokal at nasyunal na pamahalaan.