Stage performer todas sa holdap
MANILA, Philippines - Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang lalaking stage performer na hinihinalang biktima rin ng panghoholdap ng hindi pa nakikilalang salarin matapos na madiskubre ang bangkay nito, kahapon ng madaling- araw sa Malabon City.
Tama ng saksak sa likod at dibdib ang ikinasawi ng biktimang si Frederick Sardido, 33, ng B4 Kadima, Letre, Brgy. Tonsuya, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Malabon police, dakong alas-4:30 ng madaling-araw nang matagpuan ng isang residente ang bangkay ng biktima sa madilim na eskinita sa may B4 Kadima, Letre.
Sinabi ni Reggie dela Cruz na naglalakad siya nang makita ang nakalugmok na biktima ngunit wala naman siyang nakitang ibang tao na maaaring may kagagawan ng krimen.
Sa inisyal na imbestigasyon naman ng pulisya, nabatid na nawawala ang mga personal na gamit ng biktima katulad ng wallet at pera, cellphone, at maging ang make-up nito na gamit sa kanyang trabaho.
Kagagaling lamang umano sa isang “performance” ng biktima at papauwi na ng kanyang bahay nang maganap ang krimen. Nagsasagawa pa rin ng follow-up investigation ang pulisya sa krimen.
- Latest
- Trending