MANILA, Philippines - Binaril at napatay ng hindi pa nakikilalang mga suspek sakay ng motorsiklo ang isang pulis Caloocan habang namamasada ng kanyang jeep sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Ang biktima ay nakilalang si SPO3 Ferdinand Eugenio na agad na binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Chinese General Hospital.
Sa report ng pulisya, binabagtas ni Eugenio lulan ng kanyang pampasaherong jeep ang Road 20 sa may Bahay Toro Village sa lungsod dakong alas-7 ng gabi nang biglang sumulpot ang riding-in-tandem na mga suspect at bigla na lamang itong paulanan ng bala ng baril.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na nagsitakas ang mga salarin.
Blangko pa ang pulisya sa motibo sa isinagawang pagpaslang sa pulis at kung sino ang posibleng nagsagawa nito.