Manila, Philippines - Nasakote ng mga operatiba ng PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang isang pinaghihinalaang notoryus na miyembro ng carnapping syndicate na nasa likod ng pagtangay sa behikulo ng isang dating Councilor ng Ilocos Sur sa operasyon sa Quezon City kamakalawa. Kinilala ni PNP-HPG director Chief Supt. Leonardo Espina ang nasakoteng suspect na si Manchester Uy, ng Pluto St., Project 8, Quezon City.
Sinabi ni Espina, bago ang operasyon ay nakatanggap ng impormasyon ang kanilang mga intelligence operatives na naispatan sa Brgy. Bagbaguin, Novaliches, Quezon City ang nawawalang itim na 2010 Toyota Fortuner ni dating Ilocos Sur Councilor James Raguindin.
Nabatid na ang nasabing behikulo ay puwersahang tinangay sa nasabing dating konsehal at misis nito noong Abril 18 ng taong ito sa Sampaloc, Manila. Agad na nagsagawa ng surveillance operations sa lugar ang PNP-HPG hanggang sa maispatan na nakaparada sa tapat ng isang bahay sa Brgy. Bagbaguin ang hot car kung saan inaresto ang suspect dakong alas-10 ng umaga matapos itong maaktuhang sumakay sa behikulo.
Positibong kinilala ni Raguindin kahapon ang suspect na siyang sangkot sa carjacking ng kanilang behikulo sa kahabaan ng P. Florentino St., Sampaloc, Manila. Nahaharap ngayon sa kasong anti-carnapping at anti-fencing law ang nasakoteng suspect.