Manila, Philippines - Nauwi sa kalungkutan ang dapat sana ay masayang selebrasyon ng kasalan matapos na pasukin ito ng grupo ng mga kabataan at magdeklara ng holdap saka binaril at napatay ang tatay ng groom sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Ayon kay PO3 Modestino Juanson, may-hawak ng kaso, ang biktima ay kinilalang si Reynaldo Andres Sr., isang magsasaka sa Brgy. Santiago, Quirino Province.
Si Andres ay nagtamo ng tama ng bala sa kanang balikat sa holdapang naganap na pinangunahan ng may 10 kabataang nasa edad na 15 at 17-anyos sa bahay ng kanyang anak na si Reynaldo Jr., na matatagpuan sa Atis St., Brgy. Payatas.
Nagawa pang maitakbo ang biktima ng kanyang anak sa Fairview General Hospital pero hindi na umabot pang buhay.
Ayon pa kay Juanson, base sa testimonya ng mga testigo, ang mga suspects, ilan sa mga ito ay nakasuot ng bonnets at bullcaps ay armado ng baril at patalim.
Sinasabing ang biktima ay kasama ang kanyang asawang si Benjamina at anak na si Henry na dumalo sa kasal ng kanilang anak na si Reynaldo Jr. at magiging asawa nitong si Angelita.
Bago ang insidente, ang pamilya at mga bisita ay masayang kumakanta sa videoke sa bahay ng bagong kasal nang biglang sumulpot ang mga suspect at nagdeklara ng holdap.
Bunga nito, nagkagulo ang mga bisita at nagsimulang magtakbuhan palayo sa selebrasyon.
Isa sa mga suspect ang biglang hinablot ang cellular phone ni Angelita, hanggang sa makita ito ng biktima at tinangkang labanan ito sa pamamagitan ng pagbato ng monoblock chair.
Subalit ayon kay Ericson Acgang, isa rin sa mga bisita, nakita niya ang suspect na biglang binaril ang biktima. Nang bumuwal ang biktima, ay agad na nagpulasan papalayo ang mga suspect patungo sa Manga St. at nagsipagtakas. (With Angela Logdat)