Manila, Philippines - Kasabay sa pagsapit ng tag-init, inaasahang maraming bata ang sasailalim sa tuli.
Dahil dito, pinaalalahanan ni Manila City Administrator Jesus Mari Marzan ang mga magulang na tiyaking malinis ang “pukpok” o ang traditional method sa pagpapatuli sa kanilang anak.
Ayon kay Marzan, posibleng matetano ang kanilang mga anak kung marumi ang gagamiting kutsilyo o gamit sa pagtuli.
Aniya, marami pa rin ang mas naniniwala sa nakasanayan nang pamamaraan kung kaya’t hindi naman maaaring ipagbawal ang paggamit nito.
Gayunman, sinabi ni Marzan na may alternatibo namang paraan kung ayaw na sumailalim sa traditional method.
Ipinaliwanag ni Marzan na libre ang pagpapatuli sa lahat ng city run hospital bukod pa sa mga health centers at mga mobile clinic.