DZBB radio coordinator, todas sa amok

MANILA, Philippines - Nasawi ang isang empleyado ng isang istasyon ng radio makaraang pagsasaksakin ng isang lala­king nag-amok sa kanilang lugar sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Dead-on-arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Edwin Ramos, 47, radio coordinator ng radio network DZBB at naninirahan sa no. 5 MH Del Pilar St., Tugatog, Malabon City.

Isinailalim naman sa ope­rasyon­ sa Tondo General Hospital dahil sa tinamo ring mga sugat ang isa pang biktimang si Marvin Sauza, 37, ng B37 L5 Phase 3, Dagat-Dagatan habang nagtamo naman ng mababaw na sugat sa likuran si Emelita Rios, 54. 

Isang malawakang man­hunt naman ngayon ang ipi­nag-utos ni Caloocan City Police chief, Sr. Supt. Jude Santos laban sa suspect na si Cezar Baguio, alyas Bebe, 25, binata, residente rin ng Dagat-Dagatan, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-8 ng gabi nang mag-amok ang lasing na lasing na si Baguio sa pa­silyo ng Apak Sabalo, Phase 3 Dagat-Dagatan habang armado ng dalawang patalim sa magkabilang kamay.

Unang sinalakay ng sus­pect ang kapitbahay na si Rios na nagtamo ng mga sugat sa likuran.  Tinangka umanong umawat ni Ra­mos ngunit ito ang pinagbalingan ng suspect at sinaksak ito sa may sikmura at saka isinunod si Sauza na nagtangka ring awatin ang suspect.

Agad na isinugod ng mga kapitbahay ang mga biktima sa Tondo General Hospital ngunit inilipat si Ramos sa JRMMC ngunit hindi na ito umabot ng buhay. 

Sinabi naman ni Santos na may lead na sila kung nasaan ang suspect at ina­asahang madadakip na ito sa madaling panahon.

Show comments