DZBB radio coordinator, todas sa amok
MANILA, Philippines - Nasawi ang isang empleyado ng isang istasyon ng radio makaraang pagsasaksakin ng isang lalaking nag-amok sa kanilang lugar sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Edwin Ramos, 47, radio coordinator ng radio network DZBB at naninirahan sa no. 5 MH Del Pilar St., Tugatog, Malabon City.
Isinailalim naman sa operasyon sa Tondo General Hospital dahil sa tinamo ring mga sugat ang isa pang biktimang si Marvin Sauza, 37, ng B37 L5 Phase 3, Dagat-Dagatan habang nagtamo naman ng mababaw na sugat sa likuran si Emelita Rios, 54.
Isang malawakang manhunt naman ngayon ang ipinag-utos ni Caloocan City Police chief, Sr. Supt. Jude Santos laban sa suspect na si Cezar Baguio, alyas Bebe, 25, binata, residente rin ng Dagat-Dagatan, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-8 ng gabi nang mag-amok ang lasing na lasing na si Baguio sa pasilyo ng Apak Sabalo, Phase 3 Dagat-Dagatan habang armado ng dalawang patalim sa magkabilang kamay.
Unang sinalakay ng suspect ang kapitbahay na si Rios na nagtamo ng mga sugat sa likuran. Tinangka umanong umawat ni Ramos ngunit ito ang pinagbalingan ng suspect at sinaksak ito sa may sikmura at saka isinunod si Sauza na nagtangka ring awatin ang suspect.
Agad na isinugod ng mga kapitbahay ang mga biktima sa Tondo General Hospital ngunit inilipat si Ramos sa JRMMC ngunit hindi na ito umabot ng buhay.
Sinabi naman ni Santos na may lead na sila kung nasaan ang suspect at inaasahang madadakip na ito sa madaling panahon.
- Latest
- Trending