Imahe ng Quiapo buburahin

MANILA, Philippines - Matapos na mapabilang sa listahan ng Estados Unidos na notorious market sa mundo ang Quiapo tiniyak naman ni  Acting  Manila Mayor  Isko Moreno na  unti-unting buburahin ng city government ang imaheng ito.

Ayon kay Moreno, ba­gama’t hindi naman ganun kalala ang sitwasyon sa Quiapo, alam niyang res­ponsibilidad ito ng city at national  government.

Aminado ang opis­yal na  Metro Manila ang apektado sa nabanggit na ulat bagama’t ang  lugar lamang ng Quiapo ang tinukoy kung saan itinuturing na isang landmark.

Kailangan din hindi ningas­-cogon ang mga ope­rasyon ng mga  tauhan ng Optical  Media Board na responsable laban sa  nagkalat na mga  pekeng DVD at VCD gayundin ang National Bureau of Investigation laban sa mga  pekeng damit at personal na gamit.

Ipinag-utos naman ng opisyal sa pulisya na regular ang gawing monitoring hindi lamang sa mga nagbebenta ng pekeng bagay kundi maging sa mga gu­magawa nito.

 “Hindi naman magbebenta ang mga vendor kung walang ibebenta dahil umaasa lamang naman ang mga vendor sa maliit na kita ng kanilang ng paninda” pahayag pa ng opisyal.

Aniya, kailangan pa rin  bigyan ng kabuhayan ang mga malilit na tao  upang may  panggastos sa kanilang  pang araw-araw na pangangailangan.

Show comments