MANILA, Philippines - Nakalagay pa sa sako at nakabalot ng packaging tape ang mga mukha ng dalawang hindi pa nakilalang lalaki na hinihinalang mga biktima ng salvage nang matagpuan ito sa harapan ng isang pampublikong paaralan sa Sampaloc, Maynila kahapon ng umaga.
Inilarawan ang isang biktima na nasa edad na 40 hanggang 45, 5’5” ang taas, kulot ang buhok, may balbas, nakasuot ng puting polo shirt at short pants na may black garrison belt, naka-puting tsinelas habang ang isa pa ay nasa 42 hanggang 47, 5’3”, nakasuot ng asul na polo shirt na may pulang stripe at camouflage short pants, may brown na sinturon at tsinelas. Ang dalawa ay may marka ng pananakal sa leeg at may isang tama ng saksak sa kaliwang bahagi ng kanyang kili-kili.
Sa report nina PO1 Michael Pavon at PO3 Efren Flores, dakong alas-5:30 kahapon ng umaga nang madaanan ni Brgy. Kagawad Wilfredo de Jesus, ng Brgy. 496, Zone 49 ang dalawang sako sa harap ng Esteban Abada High School sa panulukan ng Blumentritt at Maria Clara Sts., Sampaloc, Maynila.
Nilapitan ni de Jesus ang dalawang sako at laking gulat niya nang bumulaga sa kanya ang dalawang bangkay na nakabalot ng gray packaging tape ang mga ulo.
Ayon naman kay Chief Insp. Armand Macaraeg, hepe ng MPD-Homicide Section nagsasagawa pa rin sila ng follow-up operation upang makilala ang mga biktima sa posibilidad na itinapon lamang sa lugar ang mga ito. Dinala naman sa St.Yvan Funeral ang bangkay ng mga biktima.