MANILA, Philippines - Ginamit umano ng aktres na si Pilar Pilapil ang kanyang pagiging magaling na artista upang maisalba ang kanyang buhay sa tiyak na kamatayan, matapos na magkunwaring patay upang tigilan na ang pananaksak na ginagawa sa kanya ng dalawang hinihinalang carjacker at saka itinapon sa Antipolo City noong Huwebes ng gabi.
Ito ang nabatid mula sa pamilya ni Pilapil matapos na magpatawag ng press conference kahapon sa The Medical City kung saan naka-confine ang aktres.
Ayon naman kay Dr. Raymond Resurreccion, attending physician ni Pilapil, malaking tulong din ang maagap na pagdadala kay Pilapil sa ospital dahil posible itong maubusan ng dugo at mamatay sanhi ng mga saksak ng icepick na tumagos sa kanyang baga.
Inaasahan aniyang matapos ang isang linggo ay maaari nang makalabas ang aktres sa pagamutan dahil sa magandang recovery ng katawan nito.
Ayon kay Leo kapatid ng aktres, nabanggit pa sa kanya nito kung ano ang nangyari. Aniya, ang kanyang pamangkin na si Rossel Rosalem Penas ang siyang nagmamaneho ng kanilang sinasakyang bagong Kia Sedan, na wala pang plaka nang habulin at maabutan ng mga suspect sa tapat ng Marikina Riverbanks sa Marikina City, at nagawang makapasok sa sasakyan dahil bukas ang kanilang pintuan.
Hinila umano ng mga suspect si Pilapil sa likod ng sasakyan at pinagsasaksak, kung saan ay nag panggap itong patay upang tigilan siya ng mga suspect, at malaunan ay itapon sa madilim na bahagi ng Piedra Blanca Homes sa Brgy. San Luis, Antipolo City.
Habang isinusulat naman ang balitang ito ay hindi pa rin natatagpuan si Rossel at ang kanilang sasakyan, na tinangay ng mga suspect, kaya’t umaapela ang pamilya sa mga awtoridad na gawin ang lahat para matagpuan ang biktima.
Una nang binuo ng Philippine National Police ang Task Force Pilar upang resolbahin ang naturang krimen.
Nakapagpalabas na rin ng cartographic sketch ang pulisya sa taong sumaksak kay Pilapil, batay sa deskripsiyon na ibinigay ng aktres sa kanila.